Sabado, Marso 3, 2012

Ang Aking Talambuhay








                Nakakarinding mga halakhak, mga sigawan, tawanan, habulan, malalakas na yapak ng paa, maalinsangan at makalat na kapaligiran. Nasa silid-aralan nga pala ako. Ano nga bang inaasahan ko e lagi namang ganito ang itsura ng silid-aralan. Napatungo na lang ako, ito na nga ang buhay na hinarap ko. Naisip ko, “Ang hirap talaga ng buhay”. Napatunghay ako sa aking pagkakatungo ng marinig ko ang nakabibinging katahimikan. Nariyan na pala ang aming guro at may pinagagawa sa amin. Talambuhay daw ito. “Ano raw?”, “Talambuhay.”, “Atin nga daw, anla ang hirap!”, mga salitang pilit na pumapasok sa aking tenga. Walong minuto at labin-dalawang segundo na pala ang nakalilipas ng isipin ko ang mga pangyayari sa aking buhay. Hindi ko namamalayan na labin-tatlong taon na pala akong nabubuhay dito sa mundong ibabaw. Nakakamanghang isipin na nakatagal ako ng ganoon karaming taon dito.
                Ako si Sheila Ann T. Abarra, labin-tatlong taong gulang, nasa ikalawang taon ng sekondarya sa Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School. Nakatira sa 303 Brgy. San Mateo, San Pablo City, Laguna.
Pamilya, bukod sa Diyos, pamilya ang una kong takbuhan. Sila ang pinakamahahalagang parte ng buhay ko. Si Sally ang aking ina at si Allan ang aking ama. Walang trabaho ang aking ina dahil hindi siya nakatapos ng pag-aaral. Nasa ikalawang taon ang ina ko ng kolehiyo ng tumigil siya sa pag-aaral dahil nag-asawa na siya. Nanghihinayang siya ngayon dahil dalawang taon na lang sana ay tapos na siya ng pag-aaral. Lagi niya iyong sinasabi sa amin para hindi daw namin gayahin ang ginawa niya. Bata pa raw kasi siya noon at hindi pa marunong magdesisyon para sa sarili. Kahit ganoon ay pinagmamalaki ko parin ang aking ina dahil pantay siyang magbigay ng atensyon sa aming magkakapatid. Wala siyang paborito at araw-araw ay ramdam namin ang kanyang pagmamahal.
                  Ang ama ko naman ay isang tourist bus driver. Kahit ganoon lamang ang aking ama ay maipagmamalaki ko parin siya tulad ng aking ama. Hindi siya nagkukulang sa pangangaral sa amin. Si Airnel T. Abarra o mas kilalang Sir Abarra ang panganay sa aming tatlong mga kapatid. Kasalukuyan siyang nagtuturo sa Sta. Felomina High School Del Remedio Extension. Siya ay nagmamasteral sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Mabait at responsableng anak at kuya siya sa amin.                     Si Sherilyn T. Abarra naman ang aking ate. Siya ay isa ring guro at nagtuturo sa Canossa College.
                       Pareho silang guro kaya ayoko ng maging guro para maiba naman. Maswerte ang aming mga magulang dahil mabubuti kaming mga anak. Hindi tulad ng iba na mga pasaway ang mga anak. Maswerte kaming mga anak sa aming mga magulang dahil mapagmahal ang aming mga magulang. Masaya kami lagi lalo na pagkagaling sa paaralan. Nakakagaan ng kalooban kapag ang uuwian mong bahay ay matatawag mong tahanan. Puno ng pagmamahalan at unawaan. Yun nga lang hindi kami mayaman, ngunit masaya kami.
Noong ika-tatlumpu’t isa ng Hulyo 1998 ako isinilang. Sabrina daw ang dapat kong pangalan pero isinunod daw sa pangalan ng ate ko kaya sa kasamaang palad Sheila ang pangalan ko. Tuwang-tuwa daw sila noong isinilang ako. Maputi daw ako at makinis. Sa pagdaan ng mga buwan ay may kung anong mga sugat na tumutubo sa leeg ko. Ang masaklap pa ay madami at mabaho ito. Kaya dinala daw ako sa doctor, binigyan ng mga gamot pero hindi gumaling. Kaya dinala na ako sa albularyo, lumot daw sa bato, susunugin, patutuyuin, lalagyan ng langis ng niyog at saka ipapahid sa leeg ko. Gumaling daw ako. Iyon siguro ang dahilan kaya may laman ako sa leeg. Dumaan ang ilang taon at ako ay lumaking iyakin. Lagi ko raw sinasampal ang aking kuya na noon ay nag-aalaga sa akin. Kaya nga siguro dala ko pa rin ang ugaling yan ngayong ako ay malaki na. Mahilig rin ako sa ngipin kaya ako daw ang nagbunot sa mga ngipin ko dati sa unahan. Habang nalaki ay natututo na rin akong maglaro. Mahilig ako sa mga larong nakakapagpapawis ng husto. Hindi ko makakalimutan ay noong madapa ako at naukit yung tuhod ko. Nagkapeklat ito at hanggang ngayon ay na sa akin pa rin. Utal na utal pa akong magsalita noon ang tawag ko sa kuya ay tuya at sa kain ay tain. Kaya kapag kakain na ako, sasabihin ko ay, “Nay tatain na ako!”. Akala ng nanay ko ay dudumi ako. Lagi nila akong tinatanong kung bakit hindi pa ako napasok, kasi apat na taon na ako noon. Ang sasabihin ko ay,”Utar pa ato.“  Nakakatawa talaga ako noong bata. Marami pa akong ginagawa nakakatawa noong bata. Mahilig rin ako noon sa paper dolls. Minsan sa aking pakikipaglaro ay kinuha ko ang mga paper dolls ng kalaro ko. Mahilig rin ako noon sa play money. Sa sobrang hilig ko sa play money ay kinuha ko ang ipon ng ate ko. Nahuli rin ako at naibalik sa ate ko ang pera niya. Napakasaya talaga kapag ikaw ay bata, malaya ka sa lahat ng gawain at wala kang iniintindi kung hindi ang magsaya.
                Nang sumapit ang ikalimang taon ko dito sa mundo ay nagsimula na akong mag-aral. Nag-aral ako ng kinder at elementarya sa paaralang elementarya ng San Mateo.  Mula kinder hanggang ikatlong baitang ay nakamit ko ang unang karangalan. Masasabing may angkin akong katalinuhan at dahil ito sa aking kasipagan. Lagi akong kumukumpleto sa mga aktibidad sa loob at labas ng paaralan, mapa-matematika o ingles na asignatura man. Masasabi kong habang tumatagal ako sa mundo ay marami akong nakikilala. Sa murang isip ay natuto na akong makisalamuha sa ibang tao. Nalinang din ang aking talento sa pag-awit. Sa pagdaan ng panahon ay marami na rin ang mga batang mas magaling sa akin kaya noong ikaapat at ikalimang baitang ay nakamit ko na lang ikalawang karangalan. Nakakapagtaka, dahil dito naman ako nagbuhos ng maraming oras sa pag-aaral. Nakamit ko nga ang unang karangalan sa mga paligsahang pampaaralan. Hindi lamang pangalan ko ang dala ko, kung hindi pati na rin ang pangalan ng aking paaralan.
  
Umalis ako sa paaralang elementarya ng San Mateo ng may karangalan. Nakuha ko pa rin ang ikalawang karangalan at labis ko itong ikinatuwa. Hindi nga ito unang karangalan pero maayos na ito kaysa wala. Ito ang gusting mangyari sa akin ng Diyos kaya kailangan ko itong tanggapin.
                Nakamit ko na ang isang parte ng aking buhay kung saan madadama ko ang hirap at gaan ng buhay, ang sekondarya. Gusto ko talagang pumasok sa Laguna State Polytechnic University, ngunit hindi ako pumasa sa second screening kaya sa Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School ako pumasok. Noong mga panahong iyon, kinakabahan ako dahil alam kong panibagong mahalagang pangyayari ito sa aking buhay. Isang bagay na kailangan kong paghandaan.
                Pasukan. Mainit. Maingay. Magulo. Pagpasok ko sa aming silid-aralan. Bawat yapak ng paa ay aking iniingatan. Nasa unahan ako dahil Abarra ang apelyido ko. Sa una ay nahihiya pa ako kaya halos hindi ako makatingin sa likuran. Sa paglipas ng mga araw ay natuto na akong makisalamuha sa aking mga kaklase. Pinagbubuti ko ang aking pag-aaral kaya sa unang panahunan ay nakamit ko ang ikalawang karangalan. Nagpatuloy ang ganitong pagsisikap hanggang sa ikalawang panahunan. Ngunit ng sumapit ang ikatlong panahunan, pang-apat na lamang ako. Labis ko itong kinalungkot kaya lalo akong nagsikap sa pag-aaral. Kaya sa pagtatapos ng taong pampaaralan ay naibalik ko ang dating sa akin, ikalawang parangal. Tuwang-tuwa talaga ako noon dahil sa dinamirami ng estudyante ng Dizon, ako ang pangalawang pinakamagaling sa lahat ng nasa ikalawang antas. Masaya talaga ako noon.
                Noong unang antas ay naranasan ko ring mapahiya, malungkot, masaktan, mabigo at matuwa. Tulad ng ibang normal na mag-aaral, naranasan ko na ring mapagalitan at mapahiya. Isa sa hindi ko makakalimutan ay noong ako ay napagalitan ng aking guro dahil sa paglilinis. Isa pa sa nakakahiya ay noong nakasakay ako sa jeep at nahulog sa labas yung payong ko. Tumigil ang jeep at bumaba ako, kinuha ko at sumakay ulit ako sa jeep na iyon. Nakakahiya talaga. Hindi ko kasi maiwan kasi kailangan namin iyon sa field demonstration namin. Naranasan ko naring masaktan, noong Ibong Adarna namin. Kada Sabado at Linggo ay nageensayo kami. Pursigido talaga kaming manalo. Bawat galaw ay sineseryoso namin, ngunit talagang sa isang kompetisyon, may nananalo at may natatalo. Isa lang ang tatanghaling pinakamagaling. Hindi naming nakamit ang unang karangalan, pangalawa lang kami. Mula sa library ay pumunta na kami sa aming silid-aralan. Lahat nakasimangot . Pagdating sa room, bumuhos ng luha. Totoong luha galling sa amin. Aaminin ko, nasaktan kami. Hindi namin iyon inakala. Akala namin ay makukuha namin ang unang karangalan, at sa hindi inaasahang pagkakataon, lahat ay umiyak. Babae man o lalaki. Pagkatapos namin iyon gawin ay napag-isipan naming mali pala iyon. Kailangan naming tanggapin an gaming pagkatalo. Malaki talagang parte iyon ng buhay ko dahil doon ako natutong tumanggap ng kung ano mang ibinigay sa atin.
                Natapos ko na ang unang antas, isa iyonng malaking karangalan. Hindi mo masasabi na lahat ba ng tao sa mundo ay nakapagtapos ng unang antas sa sekondarya. Mapalad ako dahil ako ay nakapag-aral. Maswerte tayo dahil pinag-aral tato ng ating mga magulang. Noong unang antas tanging pag-aaral, pamilya, kaibigan, at Panginoon lang ang mahalaga sa akin.
                Sa pagpasok ng taong pampaaralan 2011-2012 ay nakita ko ang bagong simula, naramdaman ang hirap ng pag-aaral. Hindi habambuhay ikaw ang pinakamataas, ikaw ang magaling, may taong pilit na mas gagaling sayo at ayon ito sa kalooban ng Diyos. Sa unang panahunan pa lamang ay ramdam ko na ito, pangatlo na lamang ako sa Top 10. Noong ikalawang panahunan naging pangwalo ako at noong ikatlong panahunan ay naging pang-sampu ako. “Anong nangyari?”, “Bakit Ganoon?”, mga tanong na pumapasok sa isipan ko. Saan nga ba? May mababa ba akong grado? Wala! Bakit ako bumaba? Sa aking pagsusuri, nakita ko na hindi ako nababa. Sila ang nataas, ang mga nakahigit sa akin. Sila ay nag-iimprove, ako ay hindi. Hindi ako nababa pero nataas sila ng sobra-sobra kaya umabot ito sa puntong, naabutan na nila ako at nahigitan pa. Pero ayos lang iyon dahil habang maaga pa ay nalaman ko na ang aking kahinaan. Mas gagalinngan ko na ikatlong antas ng sekondarya.
                Tulad noong unang taon sa highschool ay may naranasan din akong mga bagay na hindi ko makakalimutan. Mga bagay na nakatatak na sa isip ko at hindi na mabubura dahil sa mga alaalang ito bumugso ang saya, galit, inis at lungkot.
Noong unang araw ng aking ikalawang antas ng sekondarya ay maraming nagbago. Hindi lamang sa mga guro kundi sa mga kaklase ko. Maraming natangal, maraming umalis at lumipat ng ibang paaralan. Kabilang na dito ang isa sa matalik kong kaibigan noong ako ay nasa unang antas pa. Marami rin ang dumagdag sa amin mula sa ibang paaralan. Nang pumasok ang taong pampaaralan na ito ay maraming nagbago sa akin. Kung dati ako ay mahiyain, ngayon ay hindi. Nagbabago na kasi ako at nagmamature. Kapag nakikita ko na lamang ang mga batang nasa unang antas na laging maraming dalang gamit, ako ay napapatawa. Ganoon din kasi ako dati, pero ngayon natuto na akong dalhin ang aking gamit sa mas magandang paraan. Dahil nga natanda na ako ay mas komportable na akong makisalamuhasa mga taong naging pamilyar sa akin. Mas marami akong naging kaibigan. Noon ngang araw ng mga puso ay pinaggawa kami ng mga hugis pusong nga papel at isusulat ang gusto mong sabihin sa isang espesyal na tao sa loob ng silid. Noong unang araw ako ang nakatanggap ng pinakamarami. Pito ang nagbigay sa akin, at labis ko itong ikinatuwa. Biruin mo ba naman, Sa dinamirami ng kaklase ko ay ako pa ang napili nilang bigyan ng sulat. Nalaman ko na habang tumatagal ako dito sa mundo ay nalinang ko ang isang aspeto, ang pakikipagsocialize. 

Ang isa sa hindi ko makakalimutan ay noong napagalitan ako ng aking guro sa Science. Nagreport ako noon at may itinanong si Mam, hindi ko nasagot dahil mahirap  ito at ito pa ang napatapat sa akin. Umupo na lamang ako, ramdam na ramdam ko ang kahihiyan. Natapos ang Science namin ng hindi ko mapigilang mapaiyak dahil kailangan ko itong ilabas kung hindi sasabog ako. Agad na dumamay sa akin ang aking mga kaklase at ang taong dahilan ng aking pag-iyak, si Mam. Nilapitan ako ni Mam noon, pinatahan ako at doon nawala ang pagkainis ko sa kanya. Nagawa niya lang siguro akong pagalitan dahil galit siya. Hindi ko talaga yun makakalimutan. Dahil sa kanya, nasanay na ako ng pagsasalita sa unahan. Hindi na ako gaanong nahihiya at ang pangyayaring iyon ang aking pinanghahawakan tuwing magrereport ako. Isa pa sa hindi ko makakalimutan ay noong laban ng Florante at Laura, isa akong mambibigkas. Hindi na ako sumali sa mang-aawit dahil kong kaya na nila yon at mas kailangan ng mambibigkas ang tulong ko. Kasama ko ang isa sa matalik kong kaibigan, si Molleene ng marinig ko ang mga salitang tumusok sa aking puso. Galing ito sa bibig ng kaklase ko na nagsasabing mananalo daw ang mang-aawit ngunit ang mga mambibigkas ay hindi. Hindi iyon ang eksakto nyang sinabi ngunit iyon ang ibig niyang ipakahulugan. Labis ang galit at inis na aking naramdaman ko noon. Hindi ko talaga hinayaang matapos ang araw na yaon ng hindi ito nalalaman ng kapwa kong mambibigkas. Ang iba pa nga ay napaiyak dahil sobrang sakit nito. Matatapos na ang praktis pero napaiyak ako habang sinasabi ko sa buong klase ang dahilan ng pag-iyak ng iba kong kapwa mambibigkas. Nagkaayos na ang lahat at hindi ko iyon makakalimutan. Nanalo kami at naiuwi namin ang unang parangal, tuwang-tuwa talaga kami dahil lahat ng tauhan namin ay 1st
Natutunan ko rin ang kahulugan ng tunay na pagkakaibigan. Noong matatapos na ang taon ay nagkasakit ako ng malubha dahilan para lumiban ako ng dalawang araw sa klase. Nagtext sa akin si Mary Jean, sabi niya kailangan na daw ang lista ng mga takdang aralin sa Filipino.  Kukunin na daw ni Mam, kapag hindi naibigay 65. Paano iyon? Eh absent ako? Pinilit kong itext sa kanya ang mga iskor ko, dahil kapag hindi, bababa talaga ang grado ko. Tuwang-tuwa ako ng ihabol niya. Mahirap talaga iyon at sa sandaling iyon ay naramdaman kong mahalaga ako sa kanya, dahil kami ay tunay na magkaibigan. Pinasalamatan ko siya at sabi niya na para saan pa ang pagkakaibigan namin. Natuwa talaga ako noon. Nakapagpasakit na rin ako ng damdamin ng ibang tao. Sa katunayan, hindi siya ibang tao, bukod kay Mary Jean, si Molleene ang matalik ko ring kaibigan. Bago pa ang field trip ay napag-usapan na namin na kami ang magkatabi sa bus. Sa pagsapit ng araw na iyon ay wala pa siya at talong silya na lamang ang hindi okupado at kaming tatlo na lamang ni Cristina ang dapat umokupa nito. Naawa naman ako kay Cristina dahil wala siyang katabi kaya pinaupo ko siya sa tabi ko. Dumating si Molleene, inaasahan ko talagang sasama ang loob niya sa akin. Sinusubukan lang siguro ako ng Diyos. Lungkot na lungkot talaga ako noon. Alam kong mapapatawad niya ako dahil magkaibigan kami. Bago pa matapos ang field trip ay nagkaayos na kami. Masaya ako dahil natuto akong tumupad sa usapan.
                Sa loob ng labin-talong taon na inilagi ko dito sa mundo ay marami na akong natutunan. Nalinang ko ang pagsusulat ng sanaysay, kaya nakamit ko ang unang karangalan kahit may kalaban akong mula sa ibang antas. Hindi ko talaga akalaing kaya ko iyon. Umunlad din ang aking pagkatao sa pagtanggap ng pagkatalo at iba pang aspeto.
                Bata pa ako. Sabi nga nila, marami pa akong kakaining bigas. Hindi pa nga ako nangangalahati sa aking buhay ngunit punong-puno ito ng detalye. Ang galling talaga ng Panginoon. Bilang isang tao, kinakailangan nating tanggapin ang lahat ng bagay sa ating buhay. Kung hindi ngayon, kalian pa? Dahil kalian man ay hindi natin malalaman kung hanggang saan ang ating buhay. Isa ako sa mapapalad na nilikha ng Diyos. Mamuhay tayo at manatili sa atin ang pagtuklas at pagtanggap sa mga pangyayari sa ating buhay.











Walang komento:

Mag-post ng isang Komento