Linggo, Marso 4, 2012

Nakakabaliw na Teknolohiya


March 9,2012
Aaaaaah! ang tangi kong nasambit. Natulala ako, malalim ang iniisip. Ramdam na ramdam ko ang pawis na nadaloy sa aking balat. Mula ulo hanggang paa. Hindi naman mabanas. Ramdam ko pa nga ang lamig na hangin. Napa-isip ako, “Bakit tahimik?”. Gabi pa nga pala, ala-una ng madaling araw. Binangungot ba ako. Ano ba ang napanaginipan ko?
                Nasaan ba ako? Nasa lugar akong puno ng bakal, nasaan na ang mga bundok at puno? Hindi nga lupa ang tinatapakan ko. Nakakaramdam ako ng takot at pagtataka. Ano itong suot ko? Kailan pa ito nauso? Mukha akong robot. Ano itong malaking supermarket na nasa harap ko, may pagkakatulad ito sa aming bahay dahil nasa harap pa rin nito ang paborito kong manika. Pumasok ako sa kasin-laki ng supermarket naming bahay. Bigla na lang tumulo ang luha ko. Si Tatay! Nandito si Tatay. Yinakap ko siya, hindi ko na nga matandaan kung kalian ko nakasama itong tatay ko. Magkapareho kami, mukha rin siyang robot. Ngunit parang hindi niya ako kilala, hindi niya nga sinasagot ang mga tanong ko. Bakit kaya? Mabuti pa nga ay hanapin ko nalang ang Ate ko. Nasaan na ba yung Ate ko. Nilibot ko ang mala-supermarket naming bahay. Puno ng mga bagong gamit, tanging ang manika ko na lang ang nagpapaalala ng dati naming bahay. Aba! At nandito pala sa bahay namin sa Taylor Swift. Nakatalikod siya,  bakit kaya siya nandito? Kinulbit ko siya. Laking gulat kong si Ate pala ito, bakit ganito ang itsura niya? Bago pa man ako magtanong ay nakapagsalita na siya. “Nandito ka na pala Joy. Nakita mo si Tatay? Pinaclone namin siya para lagi natin siyang nakikita. Namimiss ko na kasi siya. Hindi ko na sinabi sayo dahil ayaw kong maabala ka sa pag-aaral.” Natulala na naman ako. Hindi ko talaga alam kung nasaan ako. Lumabas ako ng bahay namin, naupo sa isang bakal na upuan. Pinagmasdan ko ang paligid. Kulay pilak din ang ibang bahay tulad ng bahay namin. Wala akong makitang lupa, puro bakal ang paligid. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Naglakad-lakad pa ako. Nakita ko ang ibang tao. Kakaiba ang itsura iba-iba ang suot. Mayroon pa ngang nalipad. Nakapunta ako sa eskwelahan namin. Puro computer at kung anu-anong mga makina. Nakakatakot kung isipin. Para kasing matagal na akong nabubuhay dito ganitong klase ng mundo. Sa katunayan ay wala nga akong alam sa mga detalye tungkol dito . Ang nakapagtaka nga lang dahil halos lahat ng nakakasalubong  ko ay nginingitian ako. Para bang kakilala ko sila. Nasasaabi ko na lang sa isip ko ay, ”Sino ba itong mga ito?”.
                Nagpatuloy ang aking paglalakbay. Napaupo sa isang tabi at napaisip.” Bakit wala akong alam? Bakit ganito ang lahat? Bakit naging bakal ang lahat, bakit lumilipad ang mga sasakyan at bakit ang laki ng bahay namin? Supermarket? Aaaah! Kalokohan ang lahat ng ito. Si tatay at ate lang ang kilala ko. Si Tatay bakit wala siyang alam? Miss na miss ko na ang mga sandaling masaya kami. Bakit ba walang makasagot sa mga tanong ko?” Sunud-sunod kong tanoong habang nadaloy ang luha mula sa aking mata patungo sa aking pisngi. Kinilabutan ako ng may kung anong dumampi sa aking balikat. Malamig ito at magaspang. “Sino ka?.” Tao pala ito, ngayon lang ako nakakita ng ganitong tao. “Ako si Nathan, Joy, hindi mo na ba ako nakikilala? Ako ang bestfriend mo, magkakasama tayo ng tatay mo noong nangyari ang aksidente. Natatandaan mo ba ang ate, tatay at ang nakaraan mo? Sila lang ang alaalang inilagay sayo kaya pala pati ako hindi mo kilala. Huwag kang maingay ha. Ayaw kasi ng ate mo na malalaman mong clone ka lang. Napapansin mo ba? Kayo lang ng tatay mo ang parang robot? Kasi nga mga clone kayo. Buti pala nakita kita agad at nasabi ko agad ang mga pangyayari. Oo tama ka matagal ka ng buhay dito sa mundong ito. Joy ito ang modernong mundo! Kailangan nating makibagay sa ibang tao.  Nasagot ko na ba ang lahat ng tanong mo? Joy, Joy, JOY!” Nahimatay ako, at paggising ko… Aaaaaaaahhhh!!!
                Kaya naman pala ganoon na kalakas ang sigaw ko. Nakakatakot naman pala talaga ang modernong mundo. Bumangon na ako mula sa aking pagkakahiga at tumungo sa labas at nagisip-isip. Ano kayang itsura ko kapag ganoon na ang mundo? Sabi nila malapit na daw magunaw itong mundo natin at kapag nangyari iyon lahat masisira lahat mamamatay at magsisimula ulit sa panibagong buhay. Tingnan mo nga naman, malayo-layo na rin ang narating natin. Paunlad na ng paunlad ang teknolohiya. Ano naman kaya ang konsepto ng mundo kapag nangyari na ang gusto nilang mangyari, paunlarin ang teknolohiya. Paano naman kaya mabubuhay ang mga tao? Pagmamahalan at kapayapaan pa rin kaya ang mananaig? Sino ba ang maghahari? Diyos parin ba o tao?.
                Sumilip na muli ang haring araw sa tumpok ng ulap. Umaga nanaman pala. Ang baho talaga dito sa bahay ko, “Tatay at Ate ANO BA! Manahimik kayo diyan, nangangamoy na kayo!” Nakakainis talaga itong dalawang ito. Kahit ganyan sila ay mahal ko parin sina Tatay kaya nga inuna ko na sila para hindi na nila maabutan ang modernong mundo. Kailangan ko pa nga palang pumasok. Sige, bukas nalang ulit.
March 10, 2012
                Sabado nga pala, walang pasok. Nakakabagot naman dito sa bahay na ito. Wala nanaman akong magagawa. Ang baho pa dito dumagdag pa si Blacky. Mahal na mahal ko kasi talaga silang tatlo. Aso ko na kasi yang si Blacky simula pa nung bata. Ngayong labin-limang taong gulang na ako ay mahal na mahal ko pa rin sila. Ginagalis na ako sa kakaisip ng tungkol sa modernong mundo. Si Tatay kasi ang nasa palikuran namin. Nakakatakot na kasi yung mukha niya saka hindi ako makakatagal sa baho niya. May pasa na naman ako. Gawa kasi noong kaklase kong maarte. Hinampas ako, may gusto daw ako kay Sir Nathan. Sabagay totoo naman, napanaginipan ko nga siyang kasing idad ko kahit 21 na siya at kasalukuyang guro ko sa Araling Panlipunan. Ako na naman ata ang tatanghaling 1st honor namin, kaso nga lang hindi na makakapunta si Tatay sa paggagawad sa akin ng medalya. Kasi naman, pinauna ko na siya dahil mahal ko siya.
                Alam kung hindi mo pa rin maintindihan kung ano bang nangyari kina Ate, Tatay at Blacky. Sasabihin ko ito sayo bukas.
March 11, 2012
                Ako na nga ang 1st honor sa aming klase. Alam kong natutwa sina Ate at Tatay. Sabi nina Sir Nathan at mga kaklase ko pupunta daw sila dito bukas para ipagdiwang ang pagiging una ko sa klase. Paano ko kaya pababanguhin itong bahay ko? Hindi ko naman pwedeng alisin sina Ate at Tatay dito dahil may karapatan sila dito. Ano kayang gagawin ko. Basta bahala na.
                Siya nga pala, hindi ko muna ikukuwento sayo iyong tungkol kina Ate, Tatay at Blacky. Bukas na lang.
March 12, 2012
                Ikukuwento ko na, pinatay ko sila. Gusto ko kasi silang paunahin sa pagpunta sa langit para hindi na nila maabutan ang modernong mundo. Ang galling ko diba! Mabuti nga at wala kaming kapitbahay kaya walang nakakaamoy sa mabahong amoy nila Tatay. Ilang bote na nga ng pabango ang naibuhos ko sa kanila pero ayaw pa rin mawala ng amoy kaya tinigilan ko na.
                Bago ako binangungot ay pinatay ko na sila. Huwag kang maingay dairy, baka kasi malaman nila ang ginawa ko. Alam kong ilalagay nila ako sa mental hospital. Puro baliw ang nandoon, ayoko doon. Baka masaktan ako noong mga baliw doon. Ikukulong pati ako, baka ako mabaliw doon. Mapagkakatiwalaan naman kita diba. Huwag kang maingay diary kung ayaw mong sumu…
                Naputol ang pagsusulat ni Joy sa kanyang diary dahil nahuli na siya ng kanyang mga kamag-aral. Hinuli siya at inilagay sa dapat niyang kalagyan, mental hospital. Nakakabaliw nga siguro ang teknolohiya pero hindi ito tutungo sa pagpatay ng tao. Matagal na kasing baliw si Joy. Masyado lang mahal si Joy ng kanyang Tatay at hindi nito matanggap na baliw ito. Kaya kumilos na ang Ate niya, pero huli na ang lahat napatay na siya ni Joy.
                Modernong mundo. Ito ang kinatatakutan ni Joy pero hindi naman ito nakakatakot. Sa katunayan, magdudulot ito ng kaunlaran ng ating pagkatao.
               

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento